Tuesday, December 1, 2015

'Di na Itutuloy

Hiniling mong gawan kita ng tula noong kaarawan mo ngunit di ko ginawa
Naisip kong ito ang regalong ibibigay sa unang anibersaryo ng ating pagsasama
Isusulat sa isang espesyal na papel ang espesyal na nadarama
Ang pag-ibig ay di umabot sa taon ngunit...















(Umagos ang luha)

Nakakapa-gOOd!

Ang pagtuturo ay tulad ng tubig.
Minsan mainit. Minsan malamig.
Minsan umaapaw. Minsan walang patak.
Minsan nakatatanggal uhaw. Minsan nakakauhaw.

Laging sinasabing isang dakilang propesyon ang pagiging guro.
Totoo.
Ngunit tulad din ng tipikal na propesyon, nakakapagod. Nakakasawa. 'Yung tipong mapapatanong ka na lang sa sarili mo kung ito ba talaga ang gagawin mo sa buong buhay mo. Iyon na ba talaga ang kapalaran mo? Gigising nang maaga, papasok sa eskuwela, magsasalita nang magsasalita, kadalasan mas maraming saway kaysa turo, mag-uuwian pero nasa loob pa rin ng faculty para ihanda ang gagawin kinabukasa, uuwi sa bahay, iisipin kung anong gagawin para bukas, iisipin ang mga mag-aaral, tapos matutulog nang gabi. Kinabukasan, gigising ulit tapos ganun ulit. Nakakapagod 'di ba? Nakakasawa.

Pero kung tatanungin mo ang sarili mo, kung gusto mo nang tumigil o mag-iba ng propesyon, papasok sa alaala mo ang mga mukha ng estudyante mo, 'yung mga boses na tumatawag sa'yo, 'yung mga yakap na binibigay sa'yo. Tapos tatanungin mo ulit ang sarili mo. "Ito na ba talaga ang gusto mong gawin sa buong buhay ko? Ito na ba ang kapalaran ko?"

Sasagot ka ng,
"Oo."

( Para sa lahat ng mga bagong lisensyadong guro. Mabuhay kayo!)

Sunday, August 30, 2015

False Alarm

Mayroong isang taong may gusto sa'yo. Isang taong laging nagnanakaw ng tingin at sumusulyap sa'yo tuwing recess o lunch sa school. Isang taong ka-text at ka-chat mo gabi-gabi kahit na umabot pa hanggang hatinggabi. Isang taong naghintay sa'yo. Minahal ka. Pinangarap ka. Siya ang isang taong nag-imagine na ng future kasama ka. Sinama ka niya sa plano niya sa buhay. Para sa kanya, ikaw na ang nag-iisang tao na gusto niyang makasama habambuhay.

Naging kayo.
Unti-unti nang nagkakatotoo ang mga pangarap niya. Dahil sa wakas, nasa kanya na ang pangarap niya.

Iniwan mo.




(Isang Dagli. Dagli ang tawag sa kuwentong mas maikli pa sa maikling kuwento. Nagtataglay ng bilang ng mga salita na hindi hihigit sa 150 salita.)

Tuesday, August 25, 2015

Kay Celshane

Ngiti.

Sa araw-araw na pagkikita laging baon ay saya
Matatamis na ngiti sayo'y laging nakikita
Nagniningning na mga mata'y di maikukubli
Ang iyong paligid sa tuwina'y nagbubunyi

Saya.

Ang baon mong saya sa eskwela talaga namang nakakahawa
Lahat ng iyong kamag-aral matagal na nahahawa
Pagpapasaya sa kanila sana'y di magsawa
Ang iyong presensya dulot ay ginhawa

Ligaya.

Kaya naman sa iyong kaarawan hiling ay ligaya
Na hindi mapapawi ng kahit na anong lumbay
Upang sa bawat araw ay maging maligaya ka
Tuloy na ipamahagi ang iyong nadaramang ligaya

Nawa'y iyong madama araw-araw na saya
Sa bawat ngiti mo'y maging pagpapala at daluyan ng ligaya
Maging halimbawa ka sana ng saya't pagmamahal
Saan man mapadpad ngiti mo'y mababanaag.



Sunday, August 23, 2015

Ukit ng Kahapon

Sa bawat sandaling lumilipas
Sa bawat araw na nagdaraan
Walang oras na hindi sumagi sa isipan
Ang masasakit at masasayang alaala

Sa bawat kantang naririnig
Sa bawat pelikulang panonoorin
Sa bawat lingon sa paligid
Laging naaalala ay ikaw

Sa bawat nobelang pinagtutuunan ng pansin
Sa bawat kuwentong isinasatitik
Sa bawat tulang inuukit
Para sa'yo ang bawat damdamin

Ngunit ang lahat ng ito'y hatid ng kahapon
Sa mga oras at araw na ikaw ang dahilan ng bawat ngiti
Ngayo'y naging luha at sakit sa bawat sandali
Hanggang ngayo'y habol-habol ng pag-ibig na sawi

Dahil ang kahapon na ikaw ang kapiling
Batid ang kinabukasang ikaw ang iniibig
Noo'y pinapangarap na ika'y makapiling
Ngayo'y nililimot ang lahat ng pag-ibig


Ang sakit at kulungkutang araw-araw na pumapatay
Mga alaalang naka-ukit na sa puso't isipan
Ang kahapon na naging bahagi na ng kasalukuyan
Sa hinaharap ay di malilimutan kailanman




Monday, August 17, 2015

Learning How To Love Again

They say, love comes in a right time, from a right person , and in a right place.
It's true.

They say, it is hard to let go of a person when he waited and worked hard for you.
It's true.

Love is the only thing in this world that does not hurt.
It's true.

Someday, you will meet a person that will make you happy.
It's true.

It doesn't matter who do you want to spend your life with, it is who you cannot spend your life without.
It's true.

Suddenly,
things will happen when you least expect it.

Love came in a bad timing, from a person you thought was the rigth person, and in a wrong place.

Even when someone waited for you for years, when he got tired, he will surely stop.

In love, losing someone hurts.

You met a person that made you happy... and lonely.

It matters who you want to spend your life with and you cannot live without them.

I have written my story in my head. I have made plans for the future. I figured that what may come along the way will be just challenges and we can overcome it.

But sometimes,
Even when you planned for it
Even when you already made your decisions
Even when your heart picked your choice

When he has the reason to leave, he will.
Because there are no more reason to stay,
Because love didn't stay.

And then everything you believed about love are just your own ideas of love because you cannot control a person's heart to stay and love you still.

But at the end of the day,
Even when you are deeply hurt
Even when your heart is broken
Even when you are afraid

We can still learn how to love again.


Thursday, August 13, 2015

Maynilad ng Puso

Tubig
Pumapatak nang pumapatak
Tagaktak nang tagaktak
Bumubuhos nang bumubuhos
Walang hinto sa pag-agos

Dulot ay kasiyahan
Sa mga batang nagtatampisaw
Dulot ay kasaganaan
Sa mga sumisibol na halaman

Dulot ay kapahingahan
Sa mga napapawing uhaw
Dulot ay kapayapaan
Sa mga naglalayag

Ngunit sa iba'y dulot ay kalungkutan
Sa bawat gabing punô ng kapighatian
Luha'y rumaragasa mula sa pusong nawalan ng pag-asa
Kapag ang puso ay nawasak aagos ang luha

(No classes due to water interruption. No sleep due to depression.)
Ipagpatawad ang pagtatangka. Lumaya ang isipan. Kumawala ang panulat. Puso ay nawasak.

Tuesday, August 11, 2015

Pagbangon ng Isang Guro

Bumabangon sa higaan bago sumikat ang araw
Mga mata'y lumalaban sa pagpikit ng mga mata
Buong lakas na pumipiglas sa hatak ng higaan
Kahit mahirap ay titindig sa umaga

Magbubuhos sa katawan ng tubig na kay lamig
Lulundag nang mabilis sa pagsayad ng tubig
Mga panlinis sa katawan agad na kabig
Kahit mga labi sa lamig ay nanginginig

Uniporme'y ihahanda para sa buong araw na ganyak
Sarili'y aayusin upang di mukhang sadlak
Matapos magbihis mga gamit ay hawak
Agad na lilisanin ang buhay na wasak

Sa kanyang paglalakbay sarili'y hinahanda
Upang mga gawai'y matapos nang maganda
Sa kanyang isip mga bata'y matuwa
Na siyang nagiging lakas ng pusong sawâ

Pagpasok sa pintuan baon ay buong sigla
Sapagkat pag-asa'y dapat sa kanya makita
Ngiti sa labi ay buong pusong ilalantad
Para sa mga batang karunungan ang hangad

Pasakit na problema'y isinasantabi muna
Sa loob ng silid ay di dapat mahalata
Lalong humuhusay sa pagtatago sa madla
Upang sa kanyang mga mata'y magningning ang ligaya

Ang sariling kapakanan di kailangan na dahilan
Binibigyang pansin ang mga buhay na hawak niya
Sa kanya nakasalalay kinabukasan ng mga bata
Sandaling paglimot sa sarili'y kayang-kaya

Ang tinig niya'y naaabot ang maraming hinaharap
Sapagkat ang kanyang hinuhulma ay mga pangarap
Hindi iniinda ang maghapong pagsasalita't pagtayo
Upang ang mga bata'y may matutuhan na bago

Matapos ang ilang oras sa mga klase namukadkad
Siya'y nama'y maghahanda sa mga aralin para bukas
Ang trabaho'y di natatapos sa loob lamang ng silid-aralan
Bagkus pinapatag ang mga plano para kinabukasan

Paglubog ng araw siya'y uuwi
Upang harapin sariling mundong makitid
Sa kanyang tahanan muling bibitbitin
Lahat ng kabigatang sa kanya'y pasanin

Sa kanyang pamamahinga'y magmumuni-muni
Kung anong gagawin para kalungkuta'y magapi
Kanyang binalikan mga pangyayari sa buong araw
At kanyang nakita mga di-pangkaraniwang mga larawan

Mga mapupungay na mata't matatamis na ngiti
Mga tawang sa kanyang pandinig ay namamayani
Malalim na buntong-hininga at biglang nasambit
Ang mga mag-aaral ko ang sa aki'y di mawawaglit

Kaya sa araw-araw na pagbangon matapang na tumitindig
Sabik na sabik sa mga isipan magdilig
Walang pagdadalwang isip sa kanya ay sumagi
Na pagtuturo ay pag-igihan, gawing mabuti

Sa kanyang mga kamay mga pangarap huhulmahin
Kinabukasan ng mga bata ay ipagbubunyi
Kanyang pinapatag ang lalakaran sa lakbayin
Upang kanilang marating buhay na mithiin





Monday, August 10, 2015

Kaibig-ibig-an

Kailanma'y di hiniling na iyong ibigin
Ang tanging nais ay ika'y makapiling
Sa lungkot, sa ligaya
Ikaw ang kabahagi

Nang ika'y dumating sa'king mundong magulo,
Iyong sinulsi ang wasak na puso
Sa bawat pakikinig mo sa suliraning dala ko,
Pinaniwala mo akong ika'y di maglalaho

Sa bawat taon na ika'y naging kaibigan ko
Di na tumingin sa iba dahil sapat na ang katapatan mo
Sa lahat ng dinanas na luha't pighati
Sa mga balikat mo ako'y laging humihilig

Matagal na panahon sa bawat isa'y sumandig
Sa lahat ng hamon tayo'y magkakampi
Kahit anong dagok ang sa ati'y dumating
Walang iwanan sa ati'y nanatili

Tadhana'y mapaglaro't
Pag-ibig ay mapagbiro
Sa di inaasahang panahon
Sa iyo ay nahulog

Ang mga kamay mo ang sumalo
Ang katauhan mo'y sumaklolo
Sa tumitibok kong puso'y
Ikaw ang nagpahinto

Hindi inakalang sa pagkakaibiga'y hihigit pa
Dahil wala nang hihigit pa sa makasama ka
Bawat oras na hawak ka'y wala nang hahanapin pa
Bawat yakap mo'y naging lunas sa'king buhay

Ika'y pinangarap na makasama habambuhay
Ang Diyos ang may alam ng matamis na kahilingan
Na ika'y wag lilisan
Sa'king buhay ay kailangan

Wala nang tatamis pa sa pag-ibig mo, sinta
Ang matalik na kaibiga'y ngayo'y mangingibig na
Sa tagal ng panahong ating hinintay
Aking akala'y damdami'y di mamamatay

Ngunit ang tadhana'y sadyang mapaglaro
Ika'y nilayo sa piling ng aking puso
Nilamon ng pangarap ang pagsinta mo
Ika'y napagod at iniwan ako

Sa bawat paglayo mo'y lumuluha ako
Sa bawat gabi ay dasal kong makapiling mo
Ngunit ang dalangi'y hindi sinagot
Bagkus lalong nilayo sa'kin ang damdamin mo

Isip ay hibang sa kaiisip ng sagot
Damdami'y tuliro sa paghukay ng gamot
May lunas pa kayang maiaalok
Ang pagsinta kong alay lamang sayo

Kung sarili'y papipiliin kung ano ang mangyari
Nais kong ibalik ang pagsasamahan natin
Dahil ang puso kong ito'y ikaw na ang napili
Habambuhay makasama, araw-araw makapiling

Ngunit di ko hawak ang puso mo't isipan
Ang tibok ng puso mo'y di na aking pangalan
Dinala ka ng buhay sa lalong marilag
Sa sobrang taas mo'y di ko na naaninag

Ano pa nga ba aking mahihiling
Kundi ang kaligayahang matagal mo nang panalangin
Nawa'y sa'yong paglisan ika'y pagpalain
Ng ating Diyos Amang nagtagpo sa atin

Sa saklap na dinanas ng pagkakaibigan at ibigan
Baon ko ang lahat ng alaalang inambag mo sa'king buhay
Mga tinuro mo saki'y pakaiingatan
Lalong lalo na ang kung paano magmahal nang tunay

Sa susunod na magtagpo ang mga landas natin
Malamang ika'y matagumpay na't ipagmamalaki ng bayan natin
Sana ako'y iyong makitang masaya't  matagumpay rin
Sayo'y magbibigay ng ngiting walang kasingtamis

Aminin ay di madili
Ang pagdating mo'y nagpinta sa'king daigdig
Ngunit sa pagkawala mo'y kadiliman tuwing gabi
Madilim na panaginip ang lumalamon sa'kin

Tunay ngang mahirap limutin ang tunay na pag-ibig
Di alam kung kaya pa ng puso na magmahal muli
Sapagkat ang puso kong iyong pina-ibig
Di na kayang pumili ng ibang iibigin

Hanggang may tula akong naisasatitik
Hanggang nakalilikha ng kuwento ng pag-ibig
Ang damdamin ko'y di pa nagmamaliw
Susulat at susulat pa rin ng pagmamahalan natin




Sunday, August 9, 2015

Hangganan

Hanggang kailan sasabayan ang buhos ng ulan
Ng mga luhang sa mata'y pumapatak?
Hanggang kailan patatakbuhin ang oras
Kasabay ng pagbalik ng mga alaala?

Ilang nobela ang babasahin para paniwalain ang sarili
Na tunay na may pag-ibig?
Ilang pelikula ang panonoorin
Para makahanap ang sarili ng happy ending?

Ilang awitin ang patutugtugin
Upang mabigyang paliwanag ang lahat ng damdamin?
Ilang tula pa ang susulatin
Upang mailabas ang lahat ng pighati?

Ilang araw pa ang palilipasin?
Ilang gabi ang darausin?
Upang ang pag-ibig sa iyo ay limutin
Dahil ang hangganan ay di pa rin dumarating.

Ang pag-ibig ay wagas at walang hanggan
Ngunit nang madama mula sayo'y nawala.
Ang dating tamis ng pagsasama
Ngayo'y naglalaho't dumating na sa hangganan.