Friday, June 23, 2017

Hindi Ako Alipin ng Ibang Bansa

Tula ni Joanna Marie Santos

Milya-milyang layo ang pagitan
Madaming oras ang tuloy na nalalagas
Boses ang puhunan para kumita
Iniwan ang bansa para sa pamilya.

Di ko ninais na iwan ang bayan
Di sana tinalikuran ang kabataang dapat tulungan
Piniling turuan ang batang dayuhan
Makapagpadala lang ng pantustos sa pangangailangan.

Malaki man ang kitaan at dumami man ang salapi
Kung waldasin nila'y parang pinulot lang sa buhangin
Di ba nila maisip ang hirap at pasakit
Lahat ng tiniis makuha lang ang sasahurin.

Ibigay mo mang lahat ay kulang pa rin
Hihingi't hihingi pa rin ng pandagdag sa bayarin
Inabot mo ang 'yong palad hahatakin hangga't balikat
Maibigay lang kahit wala nang itira.

Hanggang kailang mauubos ang dapat bayaran
Kung sila'y di marunong maghawak ng yaman
Kailan aahon sa hirap
Kung sila'y kung magwaldas ay parang walang bukas.

Sa buong akala ko'y dito maka-iipon
Mas dumami ang bayaring di alam saan hinugot
Kung ganito lang din ang kahihinatnan
Mas mabuti pang umuwi na lamang.

Magtiis sa maliit na kita ng guro sa pampublikong paaralan
Kaya gayon man ay walang maiipong utang
Maghirap man ay mainam pa
Kaysa pigain ng iba ang 'yong kita.

Hindi ako alipin ng ibang bansa
Alila ako ng pakasasa kong pamilya
Kinaaawaan ako ng Inang Bayan
Sarili kong pamilya saki'y nagpapahirap.

No comments:

Post a Comment