Thursday, August 13, 2015

Maynilad ng Puso

Tubig
Pumapatak nang pumapatak
Tagaktak nang tagaktak
Bumubuhos nang bumubuhos
Walang hinto sa pag-agos

Dulot ay kasiyahan
Sa mga batang nagtatampisaw
Dulot ay kasaganaan
Sa mga sumisibol na halaman

Dulot ay kapahingahan
Sa mga napapawing uhaw
Dulot ay kapayapaan
Sa mga naglalayag

Ngunit sa iba'y dulot ay kalungkutan
Sa bawat gabing punô ng kapighatian
Luha'y rumaragasa mula sa pusong nawalan ng pag-asa
Kapag ang puso ay nawasak aagos ang luha

(No classes due to water interruption. No sleep due to depression.)
Ipagpatawad ang pagtatangka. Lumaya ang isipan. Kumawala ang panulat. Puso ay nawasak.

Tuesday, August 11, 2015

Pagbangon ng Isang Guro

Bumabangon sa higaan bago sumikat ang araw
Mga mata'y lumalaban sa pagpikit ng mga mata
Buong lakas na pumipiglas sa hatak ng higaan
Kahit mahirap ay titindig sa umaga

Magbubuhos sa katawan ng tubig na kay lamig
Lulundag nang mabilis sa pagsayad ng tubig
Mga panlinis sa katawan agad na kabig
Kahit mga labi sa lamig ay nanginginig

Uniporme'y ihahanda para sa buong araw na ganyak
Sarili'y aayusin upang di mukhang sadlak
Matapos magbihis mga gamit ay hawak
Agad na lilisanin ang buhay na wasak

Sa kanyang paglalakbay sarili'y hinahanda
Upang mga gawai'y matapos nang maganda
Sa kanyang isip mga bata'y matuwa
Na siyang nagiging lakas ng pusong sawâ

Pagpasok sa pintuan baon ay buong sigla
Sapagkat pag-asa'y dapat sa kanya makita
Ngiti sa labi ay buong pusong ilalantad
Para sa mga batang karunungan ang hangad

Pasakit na problema'y isinasantabi muna
Sa loob ng silid ay di dapat mahalata
Lalong humuhusay sa pagtatago sa madla
Upang sa kanyang mga mata'y magningning ang ligaya

Ang sariling kapakanan di kailangan na dahilan
Binibigyang pansin ang mga buhay na hawak niya
Sa kanya nakasalalay kinabukasan ng mga bata
Sandaling paglimot sa sarili'y kayang-kaya

Ang tinig niya'y naaabot ang maraming hinaharap
Sapagkat ang kanyang hinuhulma ay mga pangarap
Hindi iniinda ang maghapong pagsasalita't pagtayo
Upang ang mga bata'y may matutuhan na bago

Matapos ang ilang oras sa mga klase namukadkad
Siya'y nama'y maghahanda sa mga aralin para bukas
Ang trabaho'y di natatapos sa loob lamang ng silid-aralan
Bagkus pinapatag ang mga plano para kinabukasan

Paglubog ng araw siya'y uuwi
Upang harapin sariling mundong makitid
Sa kanyang tahanan muling bibitbitin
Lahat ng kabigatang sa kanya'y pasanin

Sa kanyang pamamahinga'y magmumuni-muni
Kung anong gagawin para kalungkuta'y magapi
Kanyang binalikan mga pangyayari sa buong araw
At kanyang nakita mga di-pangkaraniwang mga larawan

Mga mapupungay na mata't matatamis na ngiti
Mga tawang sa kanyang pandinig ay namamayani
Malalim na buntong-hininga at biglang nasambit
Ang mga mag-aaral ko ang sa aki'y di mawawaglit

Kaya sa araw-araw na pagbangon matapang na tumitindig
Sabik na sabik sa mga isipan magdilig
Walang pagdadalwang isip sa kanya ay sumagi
Na pagtuturo ay pag-igihan, gawing mabuti

Sa kanyang mga kamay mga pangarap huhulmahin
Kinabukasan ng mga bata ay ipagbubunyi
Kanyang pinapatag ang lalakaran sa lakbayin
Upang kanilang marating buhay na mithiin





Monday, August 10, 2015

Kaibig-ibig-an

Kailanma'y di hiniling na iyong ibigin
Ang tanging nais ay ika'y makapiling
Sa lungkot, sa ligaya
Ikaw ang kabahagi

Nang ika'y dumating sa'king mundong magulo,
Iyong sinulsi ang wasak na puso
Sa bawat pakikinig mo sa suliraning dala ko,
Pinaniwala mo akong ika'y di maglalaho

Sa bawat taon na ika'y naging kaibigan ko
Di na tumingin sa iba dahil sapat na ang katapatan mo
Sa lahat ng dinanas na luha't pighati
Sa mga balikat mo ako'y laging humihilig

Matagal na panahon sa bawat isa'y sumandig
Sa lahat ng hamon tayo'y magkakampi
Kahit anong dagok ang sa ati'y dumating
Walang iwanan sa ati'y nanatili

Tadhana'y mapaglaro't
Pag-ibig ay mapagbiro
Sa di inaasahang panahon
Sa iyo ay nahulog

Ang mga kamay mo ang sumalo
Ang katauhan mo'y sumaklolo
Sa tumitibok kong puso'y
Ikaw ang nagpahinto

Hindi inakalang sa pagkakaibiga'y hihigit pa
Dahil wala nang hihigit pa sa makasama ka
Bawat oras na hawak ka'y wala nang hahanapin pa
Bawat yakap mo'y naging lunas sa'king buhay

Ika'y pinangarap na makasama habambuhay
Ang Diyos ang may alam ng matamis na kahilingan
Na ika'y wag lilisan
Sa'king buhay ay kailangan

Wala nang tatamis pa sa pag-ibig mo, sinta
Ang matalik na kaibiga'y ngayo'y mangingibig na
Sa tagal ng panahong ating hinintay
Aking akala'y damdami'y di mamamatay

Ngunit ang tadhana'y sadyang mapaglaro
Ika'y nilayo sa piling ng aking puso
Nilamon ng pangarap ang pagsinta mo
Ika'y napagod at iniwan ako

Sa bawat paglayo mo'y lumuluha ako
Sa bawat gabi ay dasal kong makapiling mo
Ngunit ang dalangi'y hindi sinagot
Bagkus lalong nilayo sa'kin ang damdamin mo

Isip ay hibang sa kaiisip ng sagot
Damdami'y tuliro sa paghukay ng gamot
May lunas pa kayang maiaalok
Ang pagsinta kong alay lamang sayo

Kung sarili'y papipiliin kung ano ang mangyari
Nais kong ibalik ang pagsasamahan natin
Dahil ang puso kong ito'y ikaw na ang napili
Habambuhay makasama, araw-araw makapiling

Ngunit di ko hawak ang puso mo't isipan
Ang tibok ng puso mo'y di na aking pangalan
Dinala ka ng buhay sa lalong marilag
Sa sobrang taas mo'y di ko na naaninag

Ano pa nga ba aking mahihiling
Kundi ang kaligayahang matagal mo nang panalangin
Nawa'y sa'yong paglisan ika'y pagpalain
Ng ating Diyos Amang nagtagpo sa atin

Sa saklap na dinanas ng pagkakaibigan at ibigan
Baon ko ang lahat ng alaalang inambag mo sa'king buhay
Mga tinuro mo saki'y pakaiingatan
Lalong lalo na ang kung paano magmahal nang tunay

Sa susunod na magtagpo ang mga landas natin
Malamang ika'y matagumpay na't ipagmamalaki ng bayan natin
Sana ako'y iyong makitang masaya't  matagumpay rin
Sayo'y magbibigay ng ngiting walang kasingtamis

Aminin ay di madili
Ang pagdating mo'y nagpinta sa'king daigdig
Ngunit sa pagkawala mo'y kadiliman tuwing gabi
Madilim na panaginip ang lumalamon sa'kin

Tunay ngang mahirap limutin ang tunay na pag-ibig
Di alam kung kaya pa ng puso na magmahal muli
Sapagkat ang puso kong iyong pina-ibig
Di na kayang pumili ng ibang iibigin

Hanggang may tula akong naisasatitik
Hanggang nakalilikha ng kuwento ng pag-ibig
Ang damdamin ko'y di pa nagmamaliw
Susulat at susulat pa rin ng pagmamahalan natin




Sunday, August 9, 2015

Hangganan

Hanggang kailan sasabayan ang buhos ng ulan
Ng mga luhang sa mata'y pumapatak?
Hanggang kailan patatakbuhin ang oras
Kasabay ng pagbalik ng mga alaala?

Ilang nobela ang babasahin para paniwalain ang sarili
Na tunay na may pag-ibig?
Ilang pelikula ang panonoorin
Para makahanap ang sarili ng happy ending?

Ilang awitin ang patutugtugin
Upang mabigyang paliwanag ang lahat ng damdamin?
Ilang tula pa ang susulatin
Upang mailabas ang lahat ng pighati?

Ilang araw pa ang palilipasin?
Ilang gabi ang darausin?
Upang ang pag-ibig sa iyo ay limutin
Dahil ang hangganan ay di pa rin dumarating.

Ang pag-ibig ay wagas at walang hanggan
Ngunit nang madama mula sayo'y nawala.
Ang dating tamis ng pagsasama
Ngayo'y naglalaho't dumating na sa hangganan.


Saturday, September 20, 2014

Pinakamasayang Lovelife

Pag-ibig. Masarap pakinggang pero mahirap panindigan. Sa panahon ngayon, maraming nagsasabi na masaya ang magmahal o masarap ma-inlove. Ano ba ang sukatan para masabing masaya ang magmahal? Kapag napapangiti ka sa bawat banat niya? Kapag tinatanong ka kung nakakain ka na ba ng almusal, tanghalian, o hapunan? Kapag bumabati ng good morning o good night? Kapag dinadamayan ka sa kalokohan? Paano kung isang araw, hindi na niya yan gawin? Ano mahal mo pa?

Ang mahirap kasi sa panahon ngayon, hindi na malinaw sa tao kung ano ang tunay na kahulugan ng pag-ibig. Nakalimutan na ng tao kung paano dapat ipakita ang pagmamahal. Kung paghoholding hands o PDA lang ang batayan para masabing nagmamahalan ang dalawang nilalang, siguro nga maraming taong marunong magmahal. Pero hindi. Mayroon pa ring mga tao na kahit na gaano katamis ang pagsasama nila, sa bandang huli naghihiwalay pa rin. Bakit? Dahil hindi iyon ang kailangan ng tao para manatiling in-love. Mayroon pa ring bahagi ng pagkatao nila ang naghahanap ng tunay na pagmamahal. Ang tao kasi hanap nang hanap kung kanino nila mararamdaman ang tunay na pagmamahal. Sabi nila baka nasa tabi-tabi lang pero hindi mo napapansin. Subukan mong tumingin sa taas. Pikit ang mata. Hinga ng malalim. Ako na ang magsasabi na ang pagmamahal na kukumpleto sa buhay ng tao ay hindi nakasalalay sa taong makakarelasyon mo. Ang totoong pagmamahal ay mararansan mo mula sa Diyos.

Wala nang makahihigit sa pagmamahal na iyon. Kung iyon lang ang hahanapin ng tao, mawawala na ang mga heartbroken at hopeless romantic. Walang kahit na sinong tao ang makapagbibigay ng pagmamahal na kayang ibigay ng Diyos. Kahit kailan hindi ka maha-heartbroken. Ang pinakamasayang lovelife ay ang pagkakaroon ng relasyon sa Diyos.

Thursday, August 21, 2014

Bakit Hindi Filipino?

Ang bansa ay Pilipinas
Ang salita ay banyaga
Ang binabasa ay sinulat sa ibang wika
Ang mga hinahangaan ay nasa ibang bansa.

Ang wika ay Filipino
Hindi ginagamit sa mataas na antas
Mababa ang tingin sa bawat salita
Ikinahihiya.

Ang lahi ay Pilipino
Gustong maging Koreano, Amerikano, o Hapon?
Magpaampon sa ibang bansa?
Kalimutan ang Inang Bayan?

Sino ka?
Ano ka?
Saan ka nakatira?
Bakit hindi Filipino ang gamitin mong wika?


Wednesday, August 13, 2014



I declare victory!
August 17, 2014 Sunday
I declare victory!
LET.
My hope is in the LORD.
"If God is with you, who will be against you?"
I believe.
I claim it!
We will pass.
We will Top the LET.
GO PNUans!