Monday, March 14, 2016

Birthday Cake

Ni Joanna Marie S. Santos
Maikling kwentong Filipino


Tuwing kaarawan ni Mariel ay nakatatanggap siya ng cake mula sa kanyang tatay. Tatlong araw na lang ay sasapit na ang kanyang ika-sampung kaarawan. Sabik na sabik na siyang magdiwang ng kanyang kaarawan dahil bukod sa mga regalong kanyang inaasahan, ay gustong-gusto niyang hipan ang sindi ng kandila sa kanyang cake pagkatapos siyang awitan ng kanyang mga kalarong imbitado sa kanyang kaarawan.

"Tatlong tulog na lang at kaarawan na ng mahal kong anak. Ano ang gusto mong regalo?", tanong ng ama.

"Gusto ko po ng cake na lagi niyong binibili tuwing birthday ko, Tay. 'Yung maraming maraming chocolate tapos may mga bulaklak sa gilid. Mayroon ding mga kandila na ihihipan ko", magiliw na sagot ni Mariel.

" 'Yun lang ba anak?  Hindi pwedeng mawala ang cake mo sa birthday mo. Pangako 'yan anak.", agad na sagot ng ama.

Lalong nanabik si Mariel dahil sa sinabi ng tatay. Alam niyang tutuparin ng kanyang tatay ang pangako sa kanya.

Pagkatapos mag-usap ng mag-ama ay pinatulog na nito si Mariel. 

"Huwag kang mag-alala anak. Gagawa ako ng paraan para makabili ng cake mo at makahipan ka ng maraming nakasinding kandila sa birthday mo", pabulong na wika ng ama sa sarili.

Kinabukasan sa paaralan ni Mariel, masayang-masaya siyang naglakad papunta sa kanyang silid-aralan ngunit sa kanyang pagpasok ay may napansin siyang kakaiba. Hindi ganoon ang karaniwang dinadatnan ni Mariel sa kanyang pagpasok. Tahimik ang buong klase. Ang mga kamag-aral na madalas ay hindi nauubusan ng kwento ay hindi nagsasalita. Ang mga magigiliw niyang kaibigan na madalas ay naglalaro ng mga manikang papel ay walang kibo at nakaupo lang. Pumasok si Mariel sa silid-aralan at doon ay nakarinig siya ng mga hikbi na tili malalim ang pinaghuhugutan. Ang kanyang mga kamag-aral ay hindi umiimik at nakayuko lang. Nakita niyang nakaupo sa tabi ni Binibining Soledad ang kanyang kamag-aral na si Andrew. Umiiyak.

"Magandang umaga po, Binibining Soledad", mahinang wika ni Mariel.

"Magandang umaga rin Mariel. Maupo ka muna sa iyong upuan at mamaya ay magsisimula na rin tayo sa ating klase", malumanay na sagot ni Binibining Soledad.

Dahan-dahang naglakad si Mariel papunta sa kanyang upuan. Dahan-dahan niyang nilapag ang kanyang gamit at umupo sa kanyang upuan. Pinagmasdan ni Mariel ang kanyang paligid at ang kanyang mga kamag-aral. Tila nabalot ng lungkot at pighati ang kanilang silid. Ang mga ngiti na laging nangingibabaw sa mukha ng kanyang mga kamag-aral ay naglaho. Ang kanilang mga mata ay tulala sa hangin na tila tinatanaw ang isang bagay na hindi naman naaaninag. Ang tawanan at kwentuhan na laging bumabalot sa kanilang silid ay nabaon sa katahimikan.Hindi na natiis ni Mariel ang mga napapansin kaya nagtanong siya sa kanyang katabi.

"Lisa, anong nangyari? Bakit ang lungkot-lungkot ninyo? Bakit umiiyak si Andrew?"
"Namatay ang tatay ni Andrew. Nabagsakan daw ng mga bato sa gusaling ginagawa sa may palengke kaninang madaling araw. Hindi pa raw kasi matibay ang pagkakatayo ng poste kaya ito bumagsak. Isa ang tatay ni Andrew sa nadaganan ng mga bato."

Nanikip ang dibdib ni Mariel na tila pumigil sa kanyang paghinga nang marinig ang kwento ng kamag-aral. Nangingilid ang mga luha sa mga mata ni Mariel nang tingnan niya si Andrew. Ngayon ay naunawaan na niya kung bakit malungkot ang kanilang klase. 

"Klase, alam natin na masakit ang balitang narinig natin ngayong umaga. Walang nakakaalam sa atin kung hanggang saan lang ang ating buhay. Pero hindi dapat tayo malungkot lang dahil alam naman natin na may mas magandang buhay ang mararanasan ng tatay ni Andrew sa langit. Sasamahan muna natin si Andrew habang inaayos pa ng kanyang nanay ang mga dapat ayusin. Kaya 'wag na muna nating isipin ang lungkot. Gaya ng lagi nating ginagawa sa ating klase, tayo ay sama-samang mag-aaral at magsasaya. At sa araw na ito ang pasasayahin natin ay si Andrew. Okay ba sa iyo, Andrew?" ang sabi ni Binibining Soledad.

Tumango lamang ng ulo si Andrew at naglakad papunta sa kanyang upuan. Sa kanyang pag-upo ay nilapitan siya ng kanyang mga kamag-aral at niyakap.

"Salamat sa inyo. Alam ko na kahit wala na ang tatay ko, may mga kaibigan pa rin akong makakasama ko", ang wika ni Andrew sa mga kamag-aral.

"Huwag kang mag-alala. Lagi lang kaming nandito para samahan ka", ang sagot ni Carlo.

"Oo nga! sabay-sabay na wika ng mga kamag-aral.

Matapos ang kanilang klase ay tumunog ang bell na hudyat para sa uwian. Hindi pa rin makapaniwala si Mariel sa nangyari sa kanyang kamag-aral. Pagkauwi sa bahay ay ikinuwento niya ito sa kanyang nanay at tatay.

"Sobrang lungkot naming lahat kanina dahil sa nangyari kay Andrew. Ayokong mangyari sa iyo 'yun 'Tay" , malungkot na sabi ni Mariel.

"Isang aksidente nga ang nangyari kanina. Nagulat din ako nang marinig ang balita", sabi ng tatay ni Mariel.

"Kaya lagi kang mag-iingat sa trabaho mo. Hindi natin alam kung ano ang pwedeng mangyari", wika ng ina.

Nang mabanggit ito ay biglang nagbago ang mukha ng tatay ni Mariel. 

"Anong problema?" tanong ng ina.

"Ah, wala. Nakalulungkot lang ang balita. Ipagdasal na lamang natin ang kanilang pamilya", sagot ng
 ama. 

"Kumain na tayo at mamaya ay sumandali tayong makiramay sa kanila", ang sabi ng ina.

Papunta na ang pamilya ni Mariel sa tahanan nina Andrew para makipaglamay. Sa daan pa lamang ay dama na ni Mariel ang bigat at lungkot na bumabalot sa lugar. Ang bahay nina Andrew ay puno ng mga nakasinding kandila at napaliligiran ng bulaklak. Naroon si Andrew sa unahan. Nakaupo at pinagmamasdan ang puting kabaong ng ama. Nilapitan ni Mariel si Andrew.

"Andrew, nakikiramay kami sa pamilya mo."

"Salamat, Mariel."

Ilang sandali ng katahimikan ang pumagitna sa magkaibigan nang biglang magsalita si Andrew.

"Alam mo, kung alam ko lang na mangyayari ito sa tatay ko, naging mabuti sana akong anak sa kanya. Sana nag-aral ako nang mabuti gaya ng lagi niyang sinasabi sa akin. Sana..." , at biglang pumatak ang mga luha mula sa mata ni Andrew.

"Hindi pa huli ang lahat, Andrew. Nandito pa ang iyong nanay. May pagkakataon ka pang maging mabuting anak sa kanya.", ang sabi ni Mariel para pagaangin ang loob ng kaibigan.

" Para mabawasan ang lungkot mo, iimbitahan kitang pumunta sa pagdiriwang ng kaarawan ko kung gusto mo."

"Salamat, Mariel. Gumaang na nang kaunti ang pakiramdam ko."

Lumipas ang ilang sandali at umuwi na rin sina Mariel sa kanilang bahay kasama ang kanyang mga magulang.

Kinaumagahan masiglang gumising si Mariel.

"Yehey! Birthday ko na bukas!"

Mabilis siyang lumabas ng kwarto at pumunta sa kanyang nanay na nagluluto ng kanilang agahan.

" 'Nanay, birthday ko na bukas! Papupuntahin ko rito sa bahay ang mga kaklase at kalaro ko. Madami po ba tayong ihahanda 'Nay?" masiglang tanong ni Mariel.

"Naku, anak ..."

"Oo naman! Madami tayong ihahanda bukas sa kaarawan mo", biglang sabi ng kanyang tatay. Papuntahin mo rito ang lahat ng mga kaibigan mo dahil ipagdiriwang nating ang kaarawan mo."

"Yehey! Salamat, 'Tay! Sobrang excited na ko bukas. Papupuntahin ko rin dito si Binibinig Soledad."

"Sige, anak. Pag-uwi mo bukas galing sa paaralan ay isama mo sila. Pero ngayon maghanda ka na dahil papasok ka pa sa eskwela at iimbitahin mo silang pumunta rito bukas",wika ng ama.

"Opo, 'Tay!"

Pagkaalis ni Mariel ay biglang bumuntong-hininga ang nanay.

"Hay, Isidro. Saan naman natin kukunin ang perang ipanghahanda natin sa kaarawan ng anak mo? Kasesesante mo lang sa trabaho kahapon at kailangan nating magtipid. Kung ipaliliwanag naman natin kay ito Mariel ay suguradong maiintindihan niya."

"Huwag kang mag-alala. Ako na ang bahala. Nakausap ko na si Pareng Bentong at bibigyan daw niya ako ng trabaho mamaya diyan sa palengke. Minsan lang naman sa isang taon ang kaarawan ng anak mo kaya pagbigyan na natin", paliwanag ni Mang Isidro.

"Anong trabaho naman iyang papauskin mo, Isidro? Kailan lang ay may nangyaring aksidente sa palengke dahil sa construction. Huwag mong sabihin sa aking..."

"Huwag ka nang mag-alala. Kayang-kaya ko ang trabahong iyon at mag-iingat naman ako. Kailangan nating bigyan ng masayang kaarawan ang ating anak. Para rin naman sa atin ito." 

Pagdating sa paaralan ay masayang-masaya si Mariel na ibinalita sa kanyang mga kamag-aral na sila ay imbitado sa kanyang kaarawan kinabukasan. 

"Pumunta kayo sa bahay namin bukas. Maghahanda ang nanay at tatay ko ng mga pagkain para sa atin. Bibili rin ang tatay ng paborito kong cake."

"Sige, Mariel! Pupunta kami. Magpapaalam ako kay Inay mamaya para payagan ako", sabi ni Lisa.

"Kami rin"! sabay-sabay na sigaw ng iba niyang kamag-aral.

Nilapitan ni Mariel si Andrew na tahimik na nakaupo sa kanyang upuan.

"Andrew, alam kong malungkot ka pa rin. Kaya para sumaya ka kahit sandali, sumama ka sa amin bukas sa bahay namin. Papakainin kita ng masarap na luto ni nanay at para matikman mo rin ang cake na bibilhin para sa akin ni tatay", pang-iimbita ni Mariel.

"Sige na, Andrew. Sasamahan ka namin pati sa pag-uwi mo", ang sabi ng isa nilang kamag-aral.

"Binibining Soledad, sasama ka rin po sa amin 'di ba?" tanong ni Mariel.

"Sige mga bata sasamahan ko kayo. Andrew, huwag kang mag-alala sasamahan na rin kita pauwi sa inyo", ang sabi ni Binibining Soledad.

Tumango si Andrew at nagsabing, "Sige Mariel. Sasama ako. Siguraduhin mo lang na masarap ang cake na bibilhin ni Mang Isidro."

At sabay-sabay na naghiyawan at tumalon ang mga bata sa tuwa.

Pagkauwi ni Mariel ay hinanap niya ang kanyang ama.

" 'Nay narito na po ako. Nasaan po si Tatay?"

"Anak wala pa ang tatay mo. Nasa trabaho pa. Sige na, magpalit ka ng damit at gawin mo muna ang mga takdang aralin mo" wika ng ina.

Lumipas ang gabi ng paghihintay ni Mariel at nakatulog. Pagkagising niya ay agad itong bumangon at hinanap agad ang tatay.

" 'Nay, nasaan po si tatay?"

"Anak, gising ka na pala. Maligayang kaarawan sa iyo anak, mahal na mahal kita", wika ng ina sabay yapos sa anak.

"Tulog ka na nang dumating ang tatay mo. Hindi ka na niya pinagising dahil mahimbing ang tulog mo."

" E, nasaan po ngayon si tatay?"

"Maagang umalis ang tatay mo papunta sa bago niyang trabaho. Inagahan niya para maaga rin siyang makauwi para sa pagdiriwang ng kaarawan mo. Bibilhin pa raw niya ang cake na paborito mo."

Masayang-masaya si Mariel sa araw na iyon. Isa sa mga araw na laging niyang kinasasabikan. Mabilis lang na lumipas ang oras para kay Mariel. Maging ang kanyang mga kamag-aral ay masaya at nasasabik din sa kanyang handaan. Tumunog ang bell at hudyat na ng uwian. Sabay-sabay na naglakad papunta sa kanilang bahay si Mariel kasama ang kanyang mga kamag-aral maging ang kanilang guro na si Binibining Soledad. 

"Mariel, siguro ang dami-daming ninyong handa, ano?", tanong ng isang kamag-aral.

"At siguradong masarap ang pagkain na luto ng iyong nanay," sabi ng isa pa.

"Hindi lang 'yun. Matitikman na rin natin ang paboritong cake ni Mariel", wika ng isa pa niyang kamag-aral.

Habang papalapit nang papalapit sila sa bahay nila Mariel ay pabilis nang pabilis ang pagtibok ng kanyang puso sa sabik. May napansin siyang kakaiba sa paligid. Tahimik ang daan papunta sa bahay nina Mariel. Wala sa daan ang kanilang mga kapitbahay na madalas ay nagkukwentuhan at ang mga batang naglalaro at naghahabulan. Naisip niyang susurpresahin siya ng mga ito sa kanilang bahay kaya binilisan niya lalo ang kanyang paglalakad. 

Nang makarating sila Mariel sa kanilang bahay ay nagulat siya. Hindi ganoon ang madalas niyang nadadatnan sa kanilang bahay. Pamilyar sa kanya ang ganoong klase ng paligid. Ang paligid na kailan lang ay kanyang napuntahan.  Madaming kandilang nakasindi sa loob ng kanilang bahay. Napalilibutan ng mga bulaklak ang kanilang paligid.  Tahimik ang buong kabahayan. Naroon ang kanilang mga kapitbahay na tahimik at walang kibo na madalas ay masisigla at masayang nagkukwentuhan. Ang ngiti sa labi ni Mariel ay  naglaho. Ang kanyang pananabik ay biglang napalitan ng pangingilabot. Dahan-dahan siyang naglakad papasok sa kanilang bahay. Kanyang nadatnan ang isang malaking kahon na may nakasinding kandila sa ibabaw.
Naroon ang larawan ng kanyang ama. 

Isidro T. Macabagdal
Nobyembre 12, 1970 - Marso 14, 2016






No comments:

Post a Comment