Monday, February 17, 2014

PANGANAY

Iniwan nang mag-isa
Pasakit ang ipinamana
Sa murang edad,
Ang yakap ay hindi manika.

Sa maling akalang pag-ibig ay tatagal
Pagdating ng unos pagmamahal ay nagiba.
Ang isa’y lumipad sa kabilang hawla,
Ang isa’y naglayag patungo sa ibang kabihasnan.

Ngayo’y sinong bubuhat ng mabigat na pasanin,
Dulot ng pagkawasak ng sinimulang pag-ibig?
Sinong sasalo ng iniwang tungkulin?
Walang ibang bibitbit kundi ang unang supling.

Sa pagkamusmos ay mulat na
Sa malupit na buhay na humagupit sa kanya.
Unti-unting itinataas ang bigat na minana
Sa bawat araw ay walang inisip kundi mga kapatid niya.

Kung ang ibang bata ay saya ang dala-dala,
Sa kanya ay mga alalahanin at problema.
Mga problemang hindi siya ang may gawa
Kundi ang mga taong nagluwal sa kanya.
Kung ang ibang bata ay tumatakbo sa lansangan,
Siya ay inaagos ng daloy ng buhay.
Buhay na dapat sa kanya ay galak,
Walang ibang hatid kundi latak.

Kung sa mga mayayama’y salapi ang mana,
Sa kanya ay utang na kailangang bayaran.
Kung sa may kaya ay lupain ang mana,
Sa kanya ay lupang siya ang tatabas.


Oo, panganay ako.

(Ipagpatawad ang pagtatangka. Lumaya ang isipan. Kumawala ang panulat.)

Sunday, February 16, 2014

LUSAW



Naglalakbay nang mag-isa

Ngunit sa isip ay kasama ka

Naglalakad sa ilalim ng init ng araw

Kasabay ang pagkalusaw na nadarama.



Simula nang makilala ka

Hindi na mauling nalimot pa

Nang ika’y makausap na

Mga salita mo ay tumatak na.




Kahit walang kasiguraduhan

Kung ano tayong dalawa

Wala ng ibang naisip pa

Kundi ang makasama ka.




Sa sandaling ito ng pag-iisa,

Sinisita ng isip ang pusong sumisigaw

Huwag nang alalahanin pa

Ang mga sandaling nakasama ka.




Sinarado ang puso sa loob ng maraming taon

Agad itong kumawala sa araw ng pagdating mo

Nasaan ang inipong lakas,

Kung sayo ay tuluyan nang nanghina?




Itutuloy pa kaya

Ang sayo ay labis na paghanga

O sa gitna ng init ng araw

Hahayaang malusaw ang nadarama?




Para sa mga humahanga at umaasa

(Ipagpatawad ang pagtatangka. Lumaya ang isipan. Kumawala ang panulat.)

Sa Gitna ng Pag-iisa

Malaya. Ano ang kahulugan ng pagiging malaya?
Sinu-sino ba ang nakakakamit ng kalayaan?
Ang mga taong nakagagawa ng kanilang nais?
Ang mga taong hawak ang kanilang oras?
Ang mga taong pag-aari ang sariling buhay?
Sino ang tunay na malaya?

Bilanggo. Ang buhay na pinaliligiran ng rehas ay bilanggo.
Mga tanikalang nakapalupot sa isip ng tao
Labing binusalan ng lason
Ang kaniyang katawan ay iginapos ng panahon
Hinahagupit ng latigong nagpapadanak ng dugo
Sino ang tunay na bilanggo?

Ligaya. Mga matatamis na ngiting sa labi namumutawi
Mga ningning ng mga matang hiniram sa mga bituin
Musikang likha ng tuwa at ligalig
Ang samyo ng hangin na dinadaluyan ng giliw
Ang mukhang repleksyon ng kasiyahan mula sa iba
Sino ang tunay na maligaya?

Lungkot. Ang taong nawalan ng minamahal,
Ang taong naghahanap ng sarili sa karimlan,
Ang naghahanap ng KALAYAAN ngunit BILANGGO ng kasalukuyan
Ang nakangiting sa LIGAYANG pansamantalang naranasan
Ang lumililok ng mga salitang ito,
Ang tunay na nakararamdam ng KALUNGKUTAN.

Wednesday, February 12, 2014

Tula sa Tula



Singsing pagitan na mga titik na may kabuluhan
Sunod-sunod na mga salitang pahiwatig ay lantad
Damdami’y nangingibabaw, mensahe ay bunyag
Dulot ng isip na may ibig ipagmayabang.

Bawat indayog ng panulat
Sinisigaw ang diwa
Pag-usbong ng mga salita
Buhat ng may likha.

Daloy ng mga salitang
Agos ng ligaya
Patak ng luha
Sa tatak ng pluma.

Ukit ng panulat,
puso ang tinta.
Titik ng adhika,
boses ng makata.


(ipagpatawad ang pagtatangka. lumaya ang isipan, kumawala ang panulat)
isinilang noong Enero 27, 2014 dahil sa takdang aralin sa Panulaang Filipino

Angkla


"saan ka nag-aaral?"

"sa PNU po"

"magtititser ka?"

"opo"

"ganyan pala uniform ng PNU"

hindi ako nakasagot. nakablue na offcam uniform ako kaya gusto kong sabihin na pag nasa fourth year lang ganito ang uniform kaya lang hahaba ang kwento sa taong di ko naman kilala.

"seaman tatay mo?"

ano naman kayang tumama sa utak ng taong ito?

"hindi po."

"ah. akala ko. angkla kasi ang bracelet mo."



ah ganun! malalaman na pala kung ano ang trabaho ng magulang mo batay sa suot mong bracelet. ganun ba? pakialam ba niya sa bracelet na gusto kong isuot. hahaha maiugnay lang talaga eh noh.

dahil sa kanya nagkaroon ng kwento ang bracelet ko.

(ipagpatawad ang pagtatangka. lumaya ang isipan, kumawala ang panulat)
isinilang noong Pebrero 10, 2014

sweet dreams


Sweet Dreams
            Makulay. Maganda. Punong-puno ng saya ang kaharian ng Candilandia. Ang buong paligid ay tila pinintahan ng tamis at ligaya. Ang kabahayan ay gawa sa tsokolate, ang mga puno’t halaman ay makikinang na kendi, ang bundok at kapatagan ay minatamis na mga tinapay na may iba’t ibang kulay at timpla.  Ang himpapawid ay makulay rin. Ang mga ulap ay parang mga cotton candy at ang bahaghari ay nananatiling makulay at maningning.  Ang tubig ay mayroon ding iba-ibang lasa. Ang buong kaharian ay gawa sa mga matatamis at makukulay na bagay. Maging ang mga naninirahan dito ay gawa rin sa kendi. Ang mamamayan nito ay walang humpay sa paggawa ng mga kendi. Sila ay sama-sama at tulong-tulong sa paggawa ng mga ito. Bago matapos ang araw ay nagkakaroon sila ng pagsasalu-salo. Hindi matatawaran ang saya na mayroon sa kaharian ng Candilandia. Sinasabing ito ay nasa loob isang daigdig na hindi nararating ng mga tao.
            Sa kaharian ng Candilandia ay mayroong ipinagbabawal na puntahan, ang lawa ng soda. Ito ay mapanganib at nakamamatay. Bukod sa kumukulo ang lawang ito, napaliligiran ito ng mga puting kending mentol. Sa oras na bumagsak ang mga kending ito sa lawa ay sasabog ang buong kaharian. Kapag nangyari ito, ay masisira ang buong kaharian at mamamatay ang mga naninirahan dito.
            Habang naghahanap si Lolly ng mga sangkap sa gagawin niyang kendi ay napadpad siya sa lagusan papunta sa lawa ng soda.
            “ Ito pala ang ipinagbabawal na lawa ng soda,” wika ni Lolly.
            Sa hindi inaasahang pangyayari ay nagkaroon ng isang lindol. Napakapit si Lolly sa mga kending mentol. Habang patuloy ang pag-uga ng lupa ay unti-unting nabitak ang mga kending mentol at napunta ang mga ito sa lawa. Pagkatapos ng lindol, ay isang malaking pagsabog ang narinig sa buong kaharian.
            “Ahhhhh!, sigaw ni Loleng na bumangon sa kinahihigaan at humahangos sa paghinga.
            “Ano ba namang panaginip ‘yon? Ang ganda-ganda na, nasira pa,” may panghihinayang na sabi ni Loleng.
            Agad na bumangon si Loleng nang maalala na hindi pa niya tapos ang ginagawa dahil nakatulog siya. Nananakit ang kanyang mga kamay. Pumipintig ang ulo. Naluluha ang mga mata. Naalala niyang malapit na siyang mawalan ng buhay. Iniingatan niya ang bawat galaw. Pinag-iisipang mabuti ang mga dapat gawin bago lagutan ng hininga. Nagpadala siya ng pasasalamat sa mga kaibigan na tumulong sa kanya para madagdagan ang buhay. Masaya siya sa tuwing makatatanggap ng regalo mula sa mga kaibigan.
            Nag-iinit na ang kanyang mga daliri. Humahapdi ang mga mata. Sumasakit ang ulo. Nagugutom. Nauuhaw. Kaunti na lang ang nalalabing bilang ng kanyang paggalaw. Mahigit tatlong oras na at hindi pa rin siya makaalis sa level 361 ng Candy Crush.





(ipagpatawad ang pagtatangka. lumaya ang isipan. kumawala ang panulat.)