Monday, February 17, 2014

PANGANAY

Iniwan nang mag-isa
Pasakit ang ipinamana
Sa murang edad,
Ang yakap ay hindi manika.

Sa maling akalang pag-ibig ay tatagal
Pagdating ng unos pagmamahal ay nagiba.
Ang isa’y lumipad sa kabilang hawla,
Ang isa’y naglayag patungo sa ibang kabihasnan.

Ngayo’y sinong bubuhat ng mabigat na pasanin,
Dulot ng pagkawasak ng sinimulang pag-ibig?
Sinong sasalo ng iniwang tungkulin?
Walang ibang bibitbit kundi ang unang supling.

Sa pagkamusmos ay mulat na
Sa malupit na buhay na humagupit sa kanya.
Unti-unting itinataas ang bigat na minana
Sa bawat araw ay walang inisip kundi mga kapatid niya.

Kung ang ibang bata ay saya ang dala-dala,
Sa kanya ay mga alalahanin at problema.
Mga problemang hindi siya ang may gawa
Kundi ang mga taong nagluwal sa kanya.
Kung ang ibang bata ay tumatakbo sa lansangan,
Siya ay inaagos ng daloy ng buhay.
Buhay na dapat sa kanya ay galak,
Walang ibang hatid kundi latak.

Kung sa mga mayayama’y salapi ang mana,
Sa kanya ay utang na kailangang bayaran.
Kung sa may kaya ay lupain ang mana,
Sa kanya ay lupang siya ang tatabas.


Oo, panganay ako.

(Ipagpatawad ang pagtatangka. Lumaya ang isipan. Kumawala ang panulat.)

No comments:

Post a Comment