Sweet Dreams
Makulay. Maganda. Punong-puno ng
saya ang kaharian ng Candilandia. Ang buong paligid ay tila pinintahan ng tamis
at ligaya. Ang kabahayan ay gawa sa tsokolate, ang mga puno’t halaman ay
makikinang na kendi, ang bundok at kapatagan ay minatamis na mga tinapay na may
iba’t ibang kulay at timpla. Ang
himpapawid ay makulay rin. Ang mga ulap ay parang mga cotton candy at ang bahaghari ay nananatiling makulay at
maningning. Ang tubig ay mayroon ding
iba-ibang lasa. Ang buong kaharian ay gawa sa mga matatamis at makukulay na
bagay. Maging ang mga naninirahan dito ay gawa rin sa kendi. Ang mamamayan nito
ay walang humpay sa paggawa ng mga kendi. Sila ay sama-sama at tulong-tulong sa
paggawa ng mga ito. Bago matapos ang araw ay nagkakaroon sila ng pagsasalu-salo.
Hindi matatawaran ang saya na mayroon sa kaharian ng Candilandia. Sinasabing
ito ay nasa loob isang daigdig na hindi nararating ng mga tao.
Sa kaharian ng Candilandia ay
mayroong ipinagbabawal na puntahan, ang lawa ng soda. Ito ay mapanganib at
nakamamatay. Bukod sa kumukulo ang lawang ito, napaliligiran ito ng mga puting
kending mentol. Sa oras na bumagsak ang mga kending ito sa lawa ay sasabog ang
buong kaharian. Kapag nangyari ito, ay masisira ang buong kaharian at mamamatay
ang mga naninirahan dito.
Habang naghahanap si Lolly ng mga
sangkap sa gagawin niyang kendi ay napadpad siya sa lagusan papunta sa lawa ng
soda.
“ Ito pala ang ipinagbabawal na lawa
ng soda,” wika ni Lolly.
Sa hindi inaasahang pangyayari ay
nagkaroon ng isang lindol. Napakapit si Lolly sa mga kending mentol. Habang patuloy
ang pag-uga ng lupa ay unti-unting nabitak ang mga kending mentol at napunta
ang mga ito sa lawa. Pagkatapos ng lindol, ay isang malaking pagsabog ang
narinig sa buong kaharian.
“Ahhhhh!, sigaw ni Loleng na
bumangon sa kinahihigaan at humahangos sa paghinga.
“Ano ba namang panaginip ‘yon? Ang
ganda-ganda na, nasira pa,” may panghihinayang na sabi ni Loleng.
Agad na bumangon si Loleng nang
maalala na hindi pa niya tapos ang ginagawa dahil nakatulog siya. Nananakit ang
kanyang mga kamay. Pumipintig ang ulo. Naluluha ang mga mata. Naalala niyang
malapit na siyang mawalan ng buhay. Iniingatan niya ang bawat galaw.
Pinag-iisipang mabuti ang mga dapat gawin bago lagutan ng hininga. Nagpadala
siya ng pasasalamat sa mga kaibigan na tumulong sa kanya para madagdagan ang
buhay. Masaya siya sa tuwing makatatanggap ng regalo mula sa mga kaibigan.
Nag-iinit na ang kanyang mga daliri.
Humahapdi ang mga mata. Sumasakit ang ulo. Nagugutom. Nauuhaw. Kaunti na lang
ang nalalabing bilang ng kanyang paggalaw. Mahigit tatlong oras na at hindi pa
rin siya makaalis sa level 361 ng Candy Crush.
No comments:
Post a Comment