Tuesday, July 22, 2014

Jeff

Hulyo 22,2014
8:48 ng gabi.

Facebook.
Scroll down.

1 minute ago.
Busy na talaga? Gayunpaman, anong balita kay Jeppay? Ba't mukang seryoso yung mga RIP post sa wall niya? 
Post ng isang kamag-aral sa kolehiyo.

Punta sa wall ni Jeff.
RIP.RIP.RIP.

ANO?! HINDI PWEDE! 
Online pa siya noong nakaraang araw eh. 
HINDI PWEDE.

Message sa ibang mga kaklase.
Text sa iba.
Totoo ba?
Totoo ba?

Hindi. Ayoko.
Hindi ako maniniwala.
Ayokong maniwala.
Hindi. Ayoko talaga.

Message sa mga kaklase.
Post sa group.
Text.

May bagong post sa group.
.
.
.
.
.
.
.
.
.
.
.
.
.
.
.
.
CONFIRMED. CARDIAC ARREST. 9:30 AM.

Gulat.
Lungkot.
Luha.

Guys, ano ng plano? Kailan tayo pupunta?
Tanong ng lahat.
Puro post sa group.

Bakit, Jeff?
Kung kailan nagsisimula na tayo.
Kung kailan nakagraduate na tayo.

At nagsimulang manariwa ang lahat ng alaala.
Si Jeff.
Impeng Negro.
Kulot.
Jepay.

Nagluluksa ang PUGAKS.
Sa aming alaala,
Lagi naming gugunitain
Ang maliligayang sandali
Na nakasama ka namin.

Paalam, Jeff.
Salamat.





AY NAKU!

Sa panulat ng mga mag-aaral sa ikaapat na taon pangkat Honor
International Christian Academy
Joshua Luna
Hannah Revilla
John Somontina



Si Bentong ay isang trabahador sa MOA ice rink. Siya ay galing sa mahirap na pamilya. Dahil dito, hindi siya nakapagtapos ng kolehiyo at nagtrabaho na agad. Araw-araw, gabi-gabi, nagbabantay at naglilinis si Benyong. Kahit na mababa lang ang kanyang sweldo, sapat pa rin iyon para sa kanyang mga magulang at kapatid.

Isang gabi, nang pasardo na ang ice rink, si bentong ay nag-aayos ng mga upuan. Nang may dumating na babaeng naka-sweater at mini skirt, halatang galing sa mayaman na pamilya. Nilapitan niya si Bentong at sinabing "Kuya, pwede pa po ba pumasok? Nawala ko po kasi ang wallet ko." Naghanap sila buong gabi at doon nagsimula ang kanilang pagkakaibigan. Padalas nang padalas ang pagbisita ng babae sa ice skating rink para kay Bentong. Halos araw-araw na silang magkasama at magka-ice skating. Dahil dito, ang kanilang pagmamahal sa isa't isa ay lumalim nang lumalim. Umakyat na sa panliligaw ang lalaki at di nagtagal sinagot na rin siya ng babae.

Lumipas ang isang taon na puro pagmamahalan at kasiyahan. Napag-isipan ni Bentong na ipakilala na ang babae sa kanyang mga magulang. Pinakilala ni Bentong ang babae sa kanyang ina, "Inay, ito nga po pala si Ashley. Ang girlfriend ko."

Namukhaan ng nanay ang babae.

"Ah. Kumusta ka naman Ashley? May kilala ka bang Mr. Junmar Santos?"

Nanlaki ang mga mata ni Bentong dahil sa pagkagulat sa tanong ng kanyang ina. Sumagot si Ashley, "Ah, opo. Tatay ko po siya."

Nang ito'y sagutin ni Ashley, hinila ng nanay si Bentong papunta sa kusina at bumulong.

"Anak, kamag-anak natin siya. Pinsan mo siya anak."

Natulala si Bentong at napasabi lamang ng, "Ay naku!"

MANILA BAY

Sa panulat ng mga mag-aaral sa ikaapat na taon pangkat Honor
International Christian Academy
Licca Andrada, Trisha Descallar, Hazel Papagayo



Kalagitnaan ng Mayo noon. Sa ilalim ng araw, kumikinang-kinang ang tubig ng Manila Bay. sa isang bangkang malapit sa hilera ng mayayabong na puno ay may binatang nakaupo't seryoso sa pagpipinta. Unti-unting nagiging isang ganap na imahe ang mga kulay na pinapahid ng binata sa papel. Masasabing sanay na siya sa pagpipinta dahil ang larawang pinipinta niya ay para bang kinuha gamit ang kamera.

Mula sa kabilang dulo ng puwesto ng lalaki ay may paparating na dalaga. Matamis ang kanyang ngiti at tila wala siyang problema. Ilang sandali pa lamang at nasa tapat na siya ng pintor, kahit medyo may kalayuan ang binata sa kanya.

Biglang napatingin ang lalaki sa babaeng nakasuot ng isang asul na bestida't may mahaba at maitim na buhok na tinatangay ng hangin. Naisip ng binatang isama ang babae sa kanyang ipinipinta, kaya ngayon, hindi lang baybayin ng Maynila ang ipinipinta niya. May babaeng namamasyal na nadagdag sa larawan.

Makalipas ang ilang sandali, napansin ng dalaga ang maya't mayang pagtingin ng pintor sa kanya. Imbes na mahiya at umalis na lamang. Napangiti ang dalaga. Walang anu-ano'y lumapit siya rito.

"Ano iyan? Nakabibighani naman ang gawa mo."

Napatingin ang binata at tumigil ito sa pagpipinta.

"Patawad. Hindi ko nais na manghimasok sa pamamasyal mo. Naisip ko lamang na mas maganda ang larawan kung may tao roon."

"Huwag kang mag-alala at wala kang ginawang panghihimasok," nakangiting sambit ng babae. 
"Ako nga pala si Clara."

Inilapag ng lalaki ang kanyang pinsel at iniabot ang kamay. " Ako naman si Lucas."

"Pwede ba akong umupo sa tabi mo?" tanong ni Clara. "Manghang-mangha kasi ako sa gawa mo".

"Ah, sige," malumanay na tugon ni Lucas.

Ang simpleng pagnanais ni Clara na mamasyal sa may baybayin, at ang simpleng kagustuhan ni Lucas na ipinta ang lugar na iyon, ay nagbigay daan sa isang pagkakaibang tumatag sa mga sumusunod na linggo. Para bang may puwersang nagtulak sa kanila patungo sa isa't isa. Halos araw-araw silang nagkita sa may baybayin pagkatapos nilang magkakilala. Wala silang ginawa kundi magpalitan ng kuwento tungkol sa kani-kanilang buhay. Minsan, si Lucas ay nagpipinta, at ipinapakita niya kay Clara ang iba't ibang pamamaraan sa sining na iyon. Sa kanilang pagkukuwentuhan, natuklasan nila na parehong may kaya ang kanilang pamilya, na maliban sa pagiging isang pintor, si Lucas ay isa ring abogado at si Clara naman ay tumutulong sa hanapbuhay ng kanyang pamilya.

Lumipas ang ilang buwan at lalo pang nagkalapit ang kanilang loob sa isa't isa. Tila hindi sila nauubusan ng kuwento. Palagi silang nakangiti sa piling ng isa't isa. Ang mundo nila ay umikot sa kanilang pagtatagpo sa Manila Bay.

Subalit, isang araw ay hindi nagpakita si Clara. Nakadama ng takot at kaba si Lucas. Napawi lamang ito nang bahagya nang makatanggap siya ng isang liham kinabukasan. Nagulat si Lucas na malamang ang dalagang inaabangan niya sa tabi ng dagat at lumarga na papuntang Amerika. Sa sulat lamang naipahayag ni Clara ang nararamdaman para sa binata.

                         Mahal kong Lucas,
              Gusto ko manng sabihin ito sa iyo nang harap-harapan ay hindi na iyon maaari, sapagkat wala nang oras para roon. Lumubha nang husto ang sakit ni Papa at hindi na kaya nng medisina niya na gamutin ang sakit niya. Naisip ni Mama na pumunta sa Estados Unidos upang maayos ang kalagayan ng aking ama.

               Patawarin mo ako dahil biglaan ang aking pag-alis. patawarin mo ako dahil anino ko ay hindi mo man lamang naabutan. Alam kong masakit ito para sa ating dalawa ngunit maghihilom din ang sugat sa muli nating pagkikita. Pangako ko sa iyo na babalikan kita. Kahit narito na ako sa malayo ay hindi ko kakalimutan ang ating pinagsamahan. Mahalaga ka sa akin, Lucas, at sana'y hindi masira ang ating pagkakaibigan.

                Ingatan mo ang iyong sarili.

Nagmamahal,                      
Clara                                 

Ilang linggo ang lumipas at nakatanggap naman si Clara ng liham galing sa Pilipinas. Naalis na rin ang kanyang pangamba na ayaw na sa kanya ni Lucas. Dahil sa sobrang tuwa, hindi na makatulog nang matino si Clara gabi-gabi. Mula noon, palagi na silang nagpapalitan ng mga kuwento sa pamamagitan ng liham.

Ika-27 ng Nobyembre nang umalis si Clara papuntang Amerika. Noong ika-28 ng Enero sa sumunod na taon, pumunta si Lucas sa Manila Bay at umupo sa kanyang puwesto. Inilabas niya ang kanyang mga kagamitan at nang handa na siya ay ibinalingg ang tingin sa kaliwa upang makita ang tanawin. May napansin siyang babaeng nakaupo at nakaharap sa papalubog na araw. Pamilyar ang babaeng iyon. Kinutuban si Lucas at biglang napatayo.

"Clara?"

"Clara, ikaw nga!" sabi ni Lucas habang patakbong lumalapit sa dalaga.
"Kailan ka pa dumating?

"Kanina lamang. Kumusta ka na? Nagpipinta ka pa rin, ano? Parang kailan lang noong una tayong magkita rito," nakangiting sambit ni Clara.

"Oo nga eh. Parang kailan lang noong umalis ka," kantyaw ni Lucas.

Natahimik ang dalaga. Tiningnan nang mabuti ni Lucas ang dalaga. Umiksi ang kanyang buhok at pumuti ang kanyang kutis, ngunit hindi nawala ang kislap ng kanyang mga mata. Hindi rin nawala ang pagkapula ng kanyang pisngi kapg siya'y nahihiya, at ang mga labbing nakangiti kapag sila'y nagkukuwentuhan ay hindi nagbago.

Pagkatapos ng dalawang taong pagkakahiwalay, hindi nawala ang nararamdaman ni Lucas para kay Clara. Lumakas pa nga ito.

"Kakabalik ko lang kaninang umaga. Kasam ko sina Mama't Papa. Hindi ko sinabi ang pagbabalik ko dahil gusto kitang sorpresahin."

"Nasorpresa  mo nga ako. Kumusta sa Amerika? May sinisinta ka na bang hindi mo nabanggit sa akin?"

"Imposible. Lahat ng pangyayari sa buhay ko ay nakasulat sa mga liham ko sa iyo," namumulang sagot ni Clara. "Tsaka may gusto akong iba, eh."

" Gustong iba? Ngayon ko lang narinig iyan, ah. Sino siya?" Lumaki ang mga mata ni Lucas habang sinasabi niya ito.

"Basta..."

"Anong basta?"

"Basta.... medyo mahiyain lang ang lalaking iyon, eh."

"Mahal mo ba siya?"

". . . . . "

" Huwag mo nang mahalin iyon."

"Ano? Bakit naman?"

" Kasi alam kong mas lamang pa rin ang pagmamahal ng ibang lalaking may gusto sayo."

"Sinong iba?"

"Sino pa ba? Ako," diretsong sagot ni Lucas.

"Ano?"

"Mahal kita, Clara. Huwag mo nang asahan na aamin pa iyang minamahal mo dahil mas mamahalin kita nang lubos."

"Baliw! Ikaw nga ang hinihintay kong umamin," pangiting sagot ni Clara.

"Ako?" Nagulat si Lucas sa narinig.

"Oo, mahal din kita. Matagal na."

Simula noon, pagkatapos maghintay ni Lucas nang dalawang taon na umaasa na ibigin siya ni Clara, ay natupad din ang kanyang pangarap. Hindi naghanap ng iba ang binata kung hindi ay naghintay siya sa muling pagbabalik ng dalaga. Umasa siya sa pangakong babalikan siya ni Clara, at ngayon ay nasabi na nila ang nararamdaman sa isa't isa.

Ang kanilang pagkakaibigan ay nadala sa pagkaka-ibigan at makalipas ang dalawang taon, ay nauwi sa kasalan.

"Sige, Clara, kaya mo iyan. Ilang tulak na lang."

"ARRRRRAAAAAAAAAAAAYYYYYYYYYYYY!!!!!!!!!!!!!"

"Huminga ka nang malalim," sabi ng doktor. "Itulak mo."

" AAAAAAAGGGHHHHHH!"

"Uwaaaaaa...uwaaaa..."

Biglang may malakas na iyak ang sanggol na limang oras na inaabangan ng mga nars at doktor sa loob ng silid na kung saan ipinanganak ni Clara ang unang anak nila ni Lucas.

"Mahusay Gng. Lardico. Malusog ang inyong anak na lalaki."

Ilang saglit lamang ay nalabas na ang sanggol at nahawakan na ng nag-aabang na si Lucas, na hindi makapaniwala na siya ay ganap nang ama. Hindi mapigilan ni Lucas na mapaluha nang matanaw niya s unang pagkakataon ang anak. Pinangalanan nila itong Luis.

Isang taon na ang nakalipas nang ikasal sina Lucas at Claras. Masaya ang buong pamilya nang mabalitaan ang pagsasama nilang dalawa. Makalipas ang ilang buwan ay pumanaw na ang ama ni Clara ngunit ang lungkot ay hindi nagtagal nang mabalitaan na nagdadalang tao si Clara. Unti-unting naabot ng mag-asawa ang kanilang pangarap na makabuo ng masayang pamilya.

***

Ilang taon ang lumipas at nagkaroon ng panahon ng kahirapan ang bansa. Maraming nadamay dahil sa pangalawang pandaigdigang digmaan. Noong mga panahong iyon, naging isang sundalo si Lucas. Kinabahan si Clara nang mabalitaang pinasabog ang kampong kinabibilangan ng asawa. Maraming namatay at kaunti lang ang nakaligtas. Kabilang sa mga mapalad sina Clara't Luis, na pilit na nabuhay kasama ang mga Pilipinong nagtatago mula sa mga sunndalong Hapon.

***

Makalipas ang maraming taon, bumalik din ang kapayapaan at kalayaan ng mga Pilipino. Muling bumalik ang kasiglahan at kaligayahan sa pamilya ni Clara. Si Clara naman ay paminsan-minsang dumarayo sa Manila Bay, nagmumuni-muni at binabalikan ang mga panahong kasama pa niya si Lucas.

***

Isang araw, may batang palundag-lundag ang lumapit sa pinto.

"Papa, Papa, nandito na ang mga bulaklak."

"Sige, ibigay mo na sa lola mo para makaalis tayo agad," sabi ni Luis sa kanyang anak.

Ibinigay ng apo ni Clara ang mga bulaklak sa kanya at sila'y nagpunta sa Libingan ng mga Bayani. Tuwing pumupunta sila roon, naaalala ni Luis ang matamis na pagmamahal ng mga magulang niya. Isa iyong pag-ibig na nanatiling matatag sa kabila ng iba't ibang suliranin.
MANDARAYANG PAGMAMAHAL
Nina Apollomari Cangayda
Dominique Castro at
Ryan Gimenez
Mga mag-aaral sa ikaapat na taon pangkat Honor sa
International Christian Academy





                       TONDO. Lugar ng mga mabibigat na krimen. Patayan sa bawat sulok ang iyong matatagpuan kunga kaya’t minsan na itong binabansagang “Lugar ng mga Siga”. Dito nakatira si Rianna, isang babaeng nasa edad 24 at binabayaran para pumatay. Kilala din siya blang “Kamatayan” dahil sa husay at galling sa pakikipaglaban. Nakaupo si Rianna sa kanyang paboritong lugar sa Tondo, sa tuktok ng isang mataas na gusali kung saan kita niya lahat ng tao sa baba hanggang sa pinakadulo ng abot-tanaw kung saan nagtatagpo ang lupa at langit. Bigla na lang tumunog ang kanyang cellphone.

                “Magandang gabi, Don Nick”, bati ni Rianna.
                “May ipapagawa ako sayo, may ipapalinis lang naman na isang peste na humahadlang sa ating negosyo”, tinig ni Don Nick.

                “Sige po, saan ko siya makikita?”, tanong ni Rianna.
                “Magkita tayo bukas sa isang restawran sa bukana ng inyong kalye”, sagot ng Don.

                Alas otso ng umaga nang pumasok si Rianna sa isang restawran at napansin ang isang matandang lalaki na nakaupo sa isang sulok. May mga malalaki at makikisig na tauhan na nakapalibot sa kanya. Lahat sila ay may seryosong mukha at mga matang hindi magdadalawang isip pumatay.

                “Boss, sino po ang inyong ipapalinis?”,bating patanong ni Rianna.

                “Maupo ka, ito ang dokumento at detalye ng iyong pupuntiryahin”, sabi ng Don.

                Agad na nakilala ni Rianna ang lalaki sa litrato. Si Paul, ang kanyang dating kasintahan. Agad nang bumuhos ang napakaraming tanong sa kanyang isipan… Anong nagawa ni Paul? Bakit kailangan ko siyang patayin? Anong gagawin ko? Ito ang mga tanong na tumakbo sa kanyang isipan habang nagpapaliwanag ang kanyang amo.

                “Hindi ito pakiusap kundi isa itong utos, inaasahan kita dito”, utos ng Don.

                Umalis na si Rianna at dumeretso sa kanyang paboritong lugar sa itaas ng gusali at nagnilay-nilay.. Napaisip siya nang matagal kung itutuloy niya ang kanyang misyon. Alam niyang mahal niya pa rin ang dating kasintahan at ayaw niya sanang madamay ito. Ngunit ayaw niya rin biguin ang kanyang amo na naging tapat at itinatrato siya nang mabuti at espesyal kaysa iba. Habang nakayuko ang kanyang ulo na nakatingin sa mga tao sa ibaba, may napansin siyang taong naglalakad na karaniwan ang mukha.

                “Si Paul ba iyan?”, tanong sa sarili.

                Pasigaw niyang sinabi, “Si Paul nga!”

                Agad siyang bumaba at sinundan si Paul sa malayo hanggang makarating ito sa bahay. Nang makita ni Rianna si Paul na umakyat sa ikalawang palapag, umakyat siya sa isang puno malapit sa bintana ng kwarto at kumatok.

                “R-ri-rianna!!!.... Rianna!”, patakang sigaw ni Paul.

                Binuksan niya ang bintana sabay tanong “Ikaw ba talaga yan?”

                “Oo, Paul. Ako nga.”, patulong luhang sinagot ni Rianna at agad niyakap si Paul.

                “Anong nangyari sayo? Bakit bigla ka na lang nawala? Alam mo bang araw-araw kitang hinihintay sa mismong bintanana iyan. Araw-araw ako nagdadasal n asana marinig ko muli ang iyong pagkatok”, paiyak na tanong ni Paul.

                “Marami. Napakarami. Hindi ko alam kung saan magsisimula pero hindi na iyon mahalaga sa ngayon. Ikaw ang importante sa akin ngayon”, palambing na sagot ni Rianna.

                Nagpalipas ng gabi si Rianna sa bahay ng kasintahan at nung kinaumagahan ay umalis agad nang hindi nagpaalam.

                “Mahal n mahal kita, tandaan mo iyan”, pabulong na sinabi ni Rianna sa natutulog na Paul.

                Makalipas ang ilang araw, madalas na silang nagkikita ni Paul at namunga ulit ang kanilang dating pag-ibig. Ngunit sa kada araw na lumilipas, alam ni Rianna na kailangan niya pa rin gawin ang pinapautos sa kanya. Nakakaramdam siya ng saya pero kasama nito ay takot sa pagdating ng aaw na iyon. Dumating na nga ang kanyang ikinatatakot at ang mga masasayang araw niya’y malapit nang maglaho. Tumunog ang cellphone ni Rianna kung kaya’t lumayo muna siya kay Paul upang makausap ang amo.

                “Nagawa mo na ba ang ipinapautos ko?”, tanong ni Don Nick.

                “Hindi pa po, bigyan niyo pa po ako ng kaunting oras, pag-aaralan ko lang siya at hinihintay ko lang ang tamang oras para patayin siya”, napalunok nang malalim si Rianna dahil alam niyang kahit kailan ay hindi niya ito magagawa lalo na’t na sa kanyang kasintahan.

                “Ano ba naman ‘yan. Buwan na nakalipas hindi mo pa rin ‘yan maasikaso?! Ano ba? Pinoprotektahan mo ba ‘yan? Kilala mo ba ‘yan? Bakit hindi mo magawa? Ikaw pa naman ang pinakamahusay ko. Kung hindi mo kayang tapusin ‘yan, ako na lang ang tatapos para mawala na ‘yang peste na ‘yan!, ibinaba nang malakas ng Don ang cellphone.

                Agad na tumakbo si Rianna kay Paul at minamadali ang lumakad.

                “Bakit? Anong nangyari?”, tanong ng kasintahan.

                “Basta. Hindi ko maipaliwanag dito, sumunod ka na lang sakin.”

                Pumara siya ng taxi at dumiretso sa airport.

                “Bakit tayo nandito?”, tanong ulit ni Paul.

                “ ‘Wag ka sanang mabigla sa aking sasabihin. Isa akong bayaran para pumatay at ang rason kung bakit ako nawala na lang bigla at hindi nagpakita ay dahil sa trabaho ko. Ayaw kong mapahamak kita kaya ako na lang ang lumayo”, inilahad ni Rianna ang lahat kay Paul.

                “Alam mo, parang wala akong narinig sa mga sinabi mo kasi kahit ano ka pa, mahal pa rin kita.Wala akong pakialam kung malagay pa ako sa kapahamakan basta’t ang importante lang sa akin ay ang makasama ka”, sagot ni Paul at napayakap nang mahigpit kay Rianna.

                Subalit, hindi nila namalayan na sinundan pala sila ni Don Nick at ang kanyang mga tauhan na may hawak na mga baril at itinutok sa dalawang nagmamahalan. Agad itong napansin ni Rianna at itinulak si Paul palayo at siya ang tinamaan ng mga nagsiliparan na mga bala. Nakita ni Paul na natumba si Rianna at agad nitong nilabas ang kanyang baril sa baywang at ipinaputok kay Don Nick.

“Ibaba niyo ang inyong armas at itaas ang inyong kamay!” sigaw ng boses mula sa megaphone. 

Liwanag galing sa mga ilaw ng sasakyan ng mga pulis ang nakapalibot sa dalawang magkasintahan. Dahan-dahan din  bumagsak si Don Nick dahil sa mga tama ng baril na ipinaputok ni Paul. Tumakbo si Paul papunta kay Rianna at binuhat ito habang umiiyak.

"Wag! Wag mo akong iwan. Nagmamakaawa ako. Huwag. Mahal na mahal kita!", paiyak ba sinabi ni Paul.

"Mahal na mahal din kita. Patawarin mo ako kung hindi ko nasabi nang maaga. Patawarin mo ko kung nagkulang ako sayo. Patawarin mo ko dahil wala ako sa iyong tabi kung saan dapat an naroon ako. Patawad."

Agad na binawian ng buhay si Rianna habang ang duguang kamay nito ay nakahawak sa kamay ng kanyang iniirog.

Rumesponde naman kaagad ang mga medic unit at inasikaso si Paul at ipinasok naman si Rianna sa sasakyan. Napatitig si Paul sa mga nangyari habang umiiyak nang mahina sa kanyang isipan at ang puso'y nabiyak nang may lumapit na isang puting-buhok na pulis at kinamayan si Paul.

"Mahusay, Agent Paul sa isa mo na namang matagumpay na misyon!"



Monday, July 21, 2014

Dahil Kay Marcelo




May nakita akong babae.
Nagbabasa ng aklat.
Isang aklat,
Na para sa mga pusong wasak.

Bakit niya iyon binabasa?
Kabilang ba siya sa sawi sa pagmamahal?

Marahil oo.
Baka nakakarelate.
Marahil hindi.
Pampalipas lang ng oras.

Lumapit ako.
Tinanong ko siya.
"Miss, bakit ka nagbabasa niyan?"
Sinarado niya ang libro.

Tumingin siya sa akin.
Nakita ko
Ang mga pabagsak na luha.
Bigla siyang sumagot.

"Ang puso ko'y wasak."

Sumagot ako.

"Nakatutulong ba 'yan?"

Sinagot niya ako.

"Oo, dahil ramdam ko....
Na hindi ako nag-iisang ganito sa mundo."

Naglakad ako palayo.
May nais puntahan.
Baka sakaling makatulong sa aking nararamdaman.

May nakita akong babae.
Nagbabasa ng aklat
Isang aklat
Na para sa mga pusong wasak.

Nakatingin siya sa akin.
Pabagsak ang mga luha.
Nakita ko ang aking sarili,
Sa harap ng salamin,
Hawak ang kaparehong aklat.


*May 17, 2014 - Walang pasok. Walang kuryente dahil sa bagyo. Isang araw na tinapos ang libro ni Marcelo Santos III.

(Ipagpatawad ang pagtatagka.)

Friday, July 18, 2014

Karimlan sa Umaga




Pagsikat ng araw.
Umaga na.
Sigruo'y maraming bata na ang nagtatakbuhan sa labas o kaya ay papasok na sa eskwelahan. Ang mga nanay ay nagsisipaglinis na ng bahay. Simula na rin ang kwentuhan ng magkakapitbahay.

Nagising na si Marta dahil sa ingay na narinig sa labasan. Naisip niya na  siguro ay nasisinagan na ng araw ang buong kapaligiran. Kumurap-kurap ang kanyang mga mata. Nasabik siyang harapin ang panibagong araw na nais niyang punuin ng kaligayahan kahit hindi batid kung anu-anong pagsubok ang haharapin niya. Bumangon siya sa higaan. Hinawi ang kumot na tumatakip sa kanyang katawan. Inilapag ang mga paa sa sahig at kinapa ang mga sapin sa paa na agad niyang isinuot. Tumayo nang tuwid. Lumakad nang marahan patungo sa gilid ng kama upang kapain ang isang mahabang tungkod. Kinuha niya ito.

May biglang bumagsak sa sahig.
Bumukas ang pinto.

"Marta! Sabi ko naman sayo tawagin mo ko pag kailangan mo ng tulong eh", sambit ng kanyang ina.
"Hindi ka pa sanay sa tungkod mo. Hayaan mo ituturo ko sayo ang pasikot-sikot sa bahay para maiwasan ang ganito."

"Pasensya na po,Nay. Hindi pa ko sanay na walang makita."






(Hulyo 17, 2014. Naisulat dahil tatlong gabi nang walang kuryente dahil sa bagsik ni Glenda. Mahirap ang walang ilaw. Madilim ang buhay.)

Ako ang Sarili Kong Manunulat

Ballpen at papel ang aking katuwang
Sa mga oras ng aking sariling pag-iisa.
Nakakulong sa silid ng tahanan,
Naliligaw ang isipan sa labas ng bahay.

Ang tinta ng panulat ay ang nararamdaman
Lungkot, saya at pagninilay-nilay.
Gamit ang sulat sa pakikidigma
Sa nagaganap na giyera sa aking kalooban.

Ang indayog ng panulat
Ay ang pagtibok ng puso ng makata.
Isinasatitik ang isipang
Pinapalaya ng kalooban.

Sa aking pagsulat
Nailalabas ang nadarama
Sa bawat salita
Binubuhos ang pangungulila.

Ang bawat salita ay patuloy na nagpupumiglas
Ang daloy ng kamay ay hindi natitinag.
Pagkat ang puso ay tumitibok nang tuluyan
Kasabay ang walang puknat na paghikbi ng isipan.

(Ang kapanganakan ng mga salita sa matagal na pag-usad ng jeep na sinasakyang pauwi mula sa pamantasan)