Tuesday, July 22, 2014

MANILA BAY

Sa panulat ng mga mag-aaral sa ikaapat na taon pangkat Honor
International Christian Academy
Licca Andrada, Trisha Descallar, Hazel Papagayo



Kalagitnaan ng Mayo noon. Sa ilalim ng araw, kumikinang-kinang ang tubig ng Manila Bay. sa isang bangkang malapit sa hilera ng mayayabong na puno ay may binatang nakaupo't seryoso sa pagpipinta. Unti-unting nagiging isang ganap na imahe ang mga kulay na pinapahid ng binata sa papel. Masasabing sanay na siya sa pagpipinta dahil ang larawang pinipinta niya ay para bang kinuha gamit ang kamera.

Mula sa kabilang dulo ng puwesto ng lalaki ay may paparating na dalaga. Matamis ang kanyang ngiti at tila wala siyang problema. Ilang sandali pa lamang at nasa tapat na siya ng pintor, kahit medyo may kalayuan ang binata sa kanya.

Biglang napatingin ang lalaki sa babaeng nakasuot ng isang asul na bestida't may mahaba at maitim na buhok na tinatangay ng hangin. Naisip ng binatang isama ang babae sa kanyang ipinipinta, kaya ngayon, hindi lang baybayin ng Maynila ang ipinipinta niya. May babaeng namamasyal na nadagdag sa larawan.

Makalipas ang ilang sandali, napansin ng dalaga ang maya't mayang pagtingin ng pintor sa kanya. Imbes na mahiya at umalis na lamang. Napangiti ang dalaga. Walang anu-ano'y lumapit siya rito.

"Ano iyan? Nakabibighani naman ang gawa mo."

Napatingin ang binata at tumigil ito sa pagpipinta.

"Patawad. Hindi ko nais na manghimasok sa pamamasyal mo. Naisip ko lamang na mas maganda ang larawan kung may tao roon."

"Huwag kang mag-alala at wala kang ginawang panghihimasok," nakangiting sambit ng babae. 
"Ako nga pala si Clara."

Inilapag ng lalaki ang kanyang pinsel at iniabot ang kamay. " Ako naman si Lucas."

"Pwede ba akong umupo sa tabi mo?" tanong ni Clara. "Manghang-mangha kasi ako sa gawa mo".

"Ah, sige," malumanay na tugon ni Lucas.

Ang simpleng pagnanais ni Clara na mamasyal sa may baybayin, at ang simpleng kagustuhan ni Lucas na ipinta ang lugar na iyon, ay nagbigay daan sa isang pagkakaibang tumatag sa mga sumusunod na linggo. Para bang may puwersang nagtulak sa kanila patungo sa isa't isa. Halos araw-araw silang nagkita sa may baybayin pagkatapos nilang magkakilala. Wala silang ginawa kundi magpalitan ng kuwento tungkol sa kani-kanilang buhay. Minsan, si Lucas ay nagpipinta, at ipinapakita niya kay Clara ang iba't ibang pamamaraan sa sining na iyon. Sa kanilang pagkukuwentuhan, natuklasan nila na parehong may kaya ang kanilang pamilya, na maliban sa pagiging isang pintor, si Lucas ay isa ring abogado at si Clara naman ay tumutulong sa hanapbuhay ng kanyang pamilya.

Lumipas ang ilang buwan at lalo pang nagkalapit ang kanilang loob sa isa't isa. Tila hindi sila nauubusan ng kuwento. Palagi silang nakangiti sa piling ng isa't isa. Ang mundo nila ay umikot sa kanilang pagtatagpo sa Manila Bay.

Subalit, isang araw ay hindi nagpakita si Clara. Nakadama ng takot at kaba si Lucas. Napawi lamang ito nang bahagya nang makatanggap siya ng isang liham kinabukasan. Nagulat si Lucas na malamang ang dalagang inaabangan niya sa tabi ng dagat at lumarga na papuntang Amerika. Sa sulat lamang naipahayag ni Clara ang nararamdaman para sa binata.

                         Mahal kong Lucas,
              Gusto ko manng sabihin ito sa iyo nang harap-harapan ay hindi na iyon maaari, sapagkat wala nang oras para roon. Lumubha nang husto ang sakit ni Papa at hindi na kaya nng medisina niya na gamutin ang sakit niya. Naisip ni Mama na pumunta sa Estados Unidos upang maayos ang kalagayan ng aking ama.

               Patawarin mo ako dahil biglaan ang aking pag-alis. patawarin mo ako dahil anino ko ay hindi mo man lamang naabutan. Alam kong masakit ito para sa ating dalawa ngunit maghihilom din ang sugat sa muli nating pagkikita. Pangako ko sa iyo na babalikan kita. Kahit narito na ako sa malayo ay hindi ko kakalimutan ang ating pinagsamahan. Mahalaga ka sa akin, Lucas, at sana'y hindi masira ang ating pagkakaibigan.

                Ingatan mo ang iyong sarili.

Nagmamahal,                      
Clara                                 

Ilang linggo ang lumipas at nakatanggap naman si Clara ng liham galing sa Pilipinas. Naalis na rin ang kanyang pangamba na ayaw na sa kanya ni Lucas. Dahil sa sobrang tuwa, hindi na makatulog nang matino si Clara gabi-gabi. Mula noon, palagi na silang nagpapalitan ng mga kuwento sa pamamagitan ng liham.

Ika-27 ng Nobyembre nang umalis si Clara papuntang Amerika. Noong ika-28 ng Enero sa sumunod na taon, pumunta si Lucas sa Manila Bay at umupo sa kanyang puwesto. Inilabas niya ang kanyang mga kagamitan at nang handa na siya ay ibinalingg ang tingin sa kaliwa upang makita ang tanawin. May napansin siyang babaeng nakaupo at nakaharap sa papalubog na araw. Pamilyar ang babaeng iyon. Kinutuban si Lucas at biglang napatayo.

"Clara?"

"Clara, ikaw nga!" sabi ni Lucas habang patakbong lumalapit sa dalaga.
"Kailan ka pa dumating?

"Kanina lamang. Kumusta ka na? Nagpipinta ka pa rin, ano? Parang kailan lang noong una tayong magkita rito," nakangiting sambit ni Clara.

"Oo nga eh. Parang kailan lang noong umalis ka," kantyaw ni Lucas.

Natahimik ang dalaga. Tiningnan nang mabuti ni Lucas ang dalaga. Umiksi ang kanyang buhok at pumuti ang kanyang kutis, ngunit hindi nawala ang kislap ng kanyang mga mata. Hindi rin nawala ang pagkapula ng kanyang pisngi kapg siya'y nahihiya, at ang mga labbing nakangiti kapag sila'y nagkukuwentuhan ay hindi nagbago.

Pagkatapos ng dalawang taong pagkakahiwalay, hindi nawala ang nararamdaman ni Lucas para kay Clara. Lumakas pa nga ito.

"Kakabalik ko lang kaninang umaga. Kasam ko sina Mama't Papa. Hindi ko sinabi ang pagbabalik ko dahil gusto kitang sorpresahin."

"Nasorpresa  mo nga ako. Kumusta sa Amerika? May sinisinta ka na bang hindi mo nabanggit sa akin?"

"Imposible. Lahat ng pangyayari sa buhay ko ay nakasulat sa mga liham ko sa iyo," namumulang sagot ni Clara. "Tsaka may gusto akong iba, eh."

" Gustong iba? Ngayon ko lang narinig iyan, ah. Sino siya?" Lumaki ang mga mata ni Lucas habang sinasabi niya ito.

"Basta..."

"Anong basta?"

"Basta.... medyo mahiyain lang ang lalaking iyon, eh."

"Mahal mo ba siya?"

". . . . . "

" Huwag mo nang mahalin iyon."

"Ano? Bakit naman?"

" Kasi alam kong mas lamang pa rin ang pagmamahal ng ibang lalaking may gusto sayo."

"Sinong iba?"

"Sino pa ba? Ako," diretsong sagot ni Lucas.

"Ano?"

"Mahal kita, Clara. Huwag mo nang asahan na aamin pa iyang minamahal mo dahil mas mamahalin kita nang lubos."

"Baliw! Ikaw nga ang hinihintay kong umamin," pangiting sagot ni Clara.

"Ako?" Nagulat si Lucas sa narinig.

"Oo, mahal din kita. Matagal na."

Simula noon, pagkatapos maghintay ni Lucas nang dalawang taon na umaasa na ibigin siya ni Clara, ay natupad din ang kanyang pangarap. Hindi naghanap ng iba ang binata kung hindi ay naghintay siya sa muling pagbabalik ng dalaga. Umasa siya sa pangakong babalikan siya ni Clara, at ngayon ay nasabi na nila ang nararamdaman sa isa't isa.

Ang kanilang pagkakaibigan ay nadala sa pagkaka-ibigan at makalipas ang dalawang taon, ay nauwi sa kasalan.

"Sige, Clara, kaya mo iyan. Ilang tulak na lang."

"ARRRRRAAAAAAAAAAAAYYYYYYYYYYYY!!!!!!!!!!!!!"

"Huminga ka nang malalim," sabi ng doktor. "Itulak mo."

" AAAAAAAGGGHHHHHH!"

"Uwaaaaaa...uwaaaa..."

Biglang may malakas na iyak ang sanggol na limang oras na inaabangan ng mga nars at doktor sa loob ng silid na kung saan ipinanganak ni Clara ang unang anak nila ni Lucas.

"Mahusay Gng. Lardico. Malusog ang inyong anak na lalaki."

Ilang saglit lamang ay nalabas na ang sanggol at nahawakan na ng nag-aabang na si Lucas, na hindi makapaniwala na siya ay ganap nang ama. Hindi mapigilan ni Lucas na mapaluha nang matanaw niya s unang pagkakataon ang anak. Pinangalanan nila itong Luis.

Isang taon na ang nakalipas nang ikasal sina Lucas at Claras. Masaya ang buong pamilya nang mabalitaan ang pagsasama nilang dalawa. Makalipas ang ilang buwan ay pumanaw na ang ama ni Clara ngunit ang lungkot ay hindi nagtagal nang mabalitaan na nagdadalang tao si Clara. Unti-unting naabot ng mag-asawa ang kanilang pangarap na makabuo ng masayang pamilya.

***

Ilang taon ang lumipas at nagkaroon ng panahon ng kahirapan ang bansa. Maraming nadamay dahil sa pangalawang pandaigdigang digmaan. Noong mga panahong iyon, naging isang sundalo si Lucas. Kinabahan si Clara nang mabalitaang pinasabog ang kampong kinabibilangan ng asawa. Maraming namatay at kaunti lang ang nakaligtas. Kabilang sa mga mapalad sina Clara't Luis, na pilit na nabuhay kasama ang mga Pilipinong nagtatago mula sa mga sunndalong Hapon.

***

Makalipas ang maraming taon, bumalik din ang kapayapaan at kalayaan ng mga Pilipino. Muling bumalik ang kasiglahan at kaligayahan sa pamilya ni Clara. Si Clara naman ay paminsan-minsang dumarayo sa Manila Bay, nagmumuni-muni at binabalikan ang mga panahong kasama pa niya si Lucas.

***

Isang araw, may batang palundag-lundag ang lumapit sa pinto.

"Papa, Papa, nandito na ang mga bulaklak."

"Sige, ibigay mo na sa lola mo para makaalis tayo agad," sabi ni Luis sa kanyang anak.

Ibinigay ng apo ni Clara ang mga bulaklak sa kanya at sila'y nagpunta sa Libingan ng mga Bayani. Tuwing pumupunta sila roon, naaalala ni Luis ang matamis na pagmamahal ng mga magulang niya. Isa iyong pag-ibig na nanatiling matatag sa kabila ng iba't ibang suliranin.

No comments:

Post a Comment